Bong Eliab Console

 

HALAGANG MORAL
Hango sa mga Nota ni Padre Roque J. Ferriols, S.J.
Pamantasan ng Ateneo de Manila

 

Mga kategorya ng importansya

Sa kalawakan na ating malaytao hindi natin napapansin ang bawat bagay o pangyayari. Iilan lamang ang tumatawag sa ating pansin. Itong katangiang "nakatatawag ng pansin" ay pangangalanan nating importansya.

Madalas ang importansya ng ating kapaligiran ay ayon sa kalagayan na ating malaytao. Sa "kalagayan ng malaytao" sinasakop ko ang mga kombi-kombinasyon ng hilig, damdamin, paninindigan at ang mga naisisilang na oryentasyon. May mga sari-saring oryentasyon ng ating malaytao na ginagawang kapansin-pansin o hindi kapansin pansin ang iba't ibang bagay. Halimbawa, kung nakatuon ang aking pagmamalay sa paghahanap sa isang kahon sa kwartong ito, malamang hindi ko mapupuna ang mga papel at libro, o kung ano ang matatanaw sa bintana. . .pero punang puna ko ang mga kahon at uusisain ko pa ang bawat isa. Sa oryentasyon na iyon, mga kahon ang may importansya.

 

Kung ako naman ay nasa oryentasyon na itinuturing kong ako lamang ang tunay na batayan ng lahat; kung tinatanaw ko ang aking sarili bilang pinag-iikutan ng buong daigdig, marahil mapapansin ko lamang ang bawat tao bilang kasangkapan ko, taga-bigay aliw, halimbawa, o isang makapagpapalaganap sa aking poder sa politika, o utusan na taga-tupad sa aking bilin nang huwag na akong mapagod. Baka ang mapapansin ko lamang sa pagkain ay kung masarap o hindi. At baka ang inuusisa ko lamang sa sinasabi ng mga tao ay kung pinupuri nila ako o hindi. Sa ganitong oryentasyon, nakakulong ako sa aking sariling isip at damdamin. Lahat ng hindi-ako ay nakikita ko sa kulay ng ako at napapansin ko lamang ayon sa kanilang relasyon sa aking mga ninanais o tinatanggihan. Tatawagin nating purong suhetibo ang importansyang ito.

Meron naman ibang importansya na tumatawag sa ating pansin kapag tayo'y nasa oryentasyon na pinapanuod natin ang buhay at kinikilatis natin ang mga linalang ayon sa kanilang kaugnayan sa pagka-tunay-na-tao ng isang tao: kung ang pagkaugnay ay nakabubuti o nakasasama sa kanyang katauhan, kung nakabubuo o nakasisira. Sa ganitong oryentasyon, makikita ko marahil na kumain ng malabis ay nakasisira, kumain ng sapat ay nakabubuti. Ituturing kong mabuti sa matang tumanaw sa malalayong bulubundukin upang makapahinga. Matatauhan ako na mabuting gumawa ng makatarungan sapagkat sa ganyang gawain ay lalong mabubuo ang aking katauhan. Ituturing kong mabuting magmabait sa kapuwa, sapagkat ang magmalupit ay nakawawasak lamang sa aking sarili. Tatawagin nating obhetibong mabuti sa tao ang importansyang ito.

Kung nilalampasan naman ng tao ang kanyang mapusok na kahiligang gawing ikutan ng lahat ang kanyang sarili, at kung lalampasan din niya iyong atitud ng tagapanuod na tumatayo sa labas ng mga bagay at inaanalisis palagi ang mga kaugnayan, halimbawa, ng x sa y, ng p sa q . . . kung lalampasan niya ang mga oryentasyong ito, maaring mangyari na pumasok siya sa isang pagkabukas ng kalooban na ang iniintindi ay hindi basta ako, ni hindi pagwalang-bahala sa ako. . .ang tinutukoy ay isang pagbukas ng loob na lumalampas sa mismong paglampas sa sarili at nalilimutan ang mismong pagkalimut sa sarili. Ito ang ikatlong oryentasyon, ang oryentasyon ng pagbubukas-loob. Dito, maaring mangyari na ibang uri ng pagtawag ng pansin, ibang uri ng importansya, ang tatalab sa kanya.

Sa oryentasyon ng pagbubukas-loob, makatatawag pa rin ng pansin, halimbawa, ang pagkain, ngunit, hindi lamang bilang masarap at nagbibigay kalusugan, kundi bilang isang linalang, isang meron na maraming nibel sa pagmemeron, na karapatdapat galangin bilang itong espesyal na meron na ito. At ganyan din ang magiging pagtawag ng pansin ng anomang meron: itong ito, bukod tangi. . .kahit na itong maliit na batong ito na ganito ang tigas at kulubot. . .o itong ahas na ito na ganito ang kulay at ganyan ang pag-usad. At kahit na sinong tao. Sa oryentasyon na ito, posibleng matawag ang pansin ng tao sa pagkabukod-tangi pala ng bawat kapuwa. Alam na taong nakakapansin nito, na hindi kaya ninoman na masusing alamin ang pagka-espesyal ng bawat kapuwa, ngunit, kikikiling niya ang loob, pinagsisikapan niyang matauhan. Kay iba pala ng bawat tao! Itong importansyang nakatatawag ng pansin sa oryentasyon ng pagbubukas-loob ay papangalanan nating halaga. At kapag ang nakatatawag ng pansin ay ang mismong meron na tigib sa kayamanan na umiiral sa maraming nibel, tatawagin nating halagang ontolohiko.

Maari naman na ang tumatawag sa pansin ng pagbubukas-loob ay ang isang uring pagsinag ng meron. Halimbawa, ang hugis at kulay ng bulubundukin, ang himig ng tugtugin. . .may mga sandali na kulay at hugis at huni ay nararanasan bilang pag-apaw ng meron at sasabihin ng tao na nagagandahan siya. Hindi nawawala ang aliw sa pandinig, ang pahinga at aliw sa mata, ngunit, lahat ay napapansin bilang kabuoan ng pagsinag ng meron. Matatawag ang importansyang ito na halagang estetiko.

Maari naman na ang tumatawag ng pansin ay purong kaisipan. Halimbawa, isang teorem sa matematika o isang teorya ng mga palaisip sa istorya o sosyolohya o ekonomya o kung ano. Ang ubod ng galing ng mga kaisipan na isinisilang, iniipon at pinagagalaw, ay makagigising sa paggalang at paghanga sa idea. Matatawag itong halagang intelektwal.

Marami ang mga posibleng mararanasan bilang halaga. At hindi pa tayo nakakaabot ang ating pagtalakay sa halagang moral na siyang talagang layunin ng pagmumuni-muning ito. Ngunit, makatutulong ang lingunin sandali at pagmuni-munihan ang mga halagang nakita na. At isang katagiang lilitaw ay ito: ang halaga ay hindi lamang tumatawag sa pansin, kundi tumatawag. Ang talagang tinatawag ay ang tao, ang buong tao, sa lahat ng nibel ng kanyang katauhan.

Paglabas sa sarili, pag-iral sa kaloob-looban ng sarili

Papaano nagaganap ang naturang pagtawag sa tao? Halimbawa, sa halagang estetiko ng bulubunduking iyan, ang tumatawag sa akin ay hindi isang halimbawa ng konsepto ng kagandahan, kundi isang itong ito na, sa kanyang pagmemeron, ay sumisinag sa aking sariling meron. Hindi ko ito masisilayan kung magkukulong ako sa aking sarili o magkukubli sa isang analisis ng kagandahan.

Upang madama ko ang tawag ng bulubunduking iyan, kailangan kong lumabas sa aking sarili. Ang halaga ay tawag ng meron at pinalalabas ang tao sa kanyang sarili. Isang uring paglabas na hindi napupuna ng lumalabas, sapagkat ang tinutuonan niya ay ang meron sa kanyang pagka-halaga. Isang uri ng paglabas sa sarili na, sa isang kabalintunaan, may isang ring matindi at tumitinding pag-iral sa kaloob-looban ng sarili. Pati ito'y di pansin sapagkat ang tinutuonan ng pansin ay palagi ang meron bilang halaga.

Kung ang meron bilang halaga lamang ang tinutuonan, papaanong mapupuna ng tao na lumbalabas siya sa sarili at sabay umiiral ng mas matindi sa kaloob-looban ng sarili? Ito'y mapupuna sa analisis pagkatapos ng aktwal na pagdinig at pagtugon sa halaga.

Ang lugar ng analisis

May isang taong nakinig sa isang analisis ng paglangoy. Sinulat niya sa kanyang notbuk at umuwing kontento sa kanyang sarili. Mula noon habang buhay niyang inaakala na alam niya kung ano ang lumangoy, sapagkat sa kanyang utak ay palaging nag-uugnayan ang mga x, y, p, q ng paglangoy.

May ibang tao naman na nakinig at habang nakikinig ay inilalagda sa alaala. Tapus ay lumundag siya sa tubig upang isagawa ang narinig. Umuwi siyang hindi kontento sapagkat ang daming tubig na nalunok niya at may pumasok pa sa kanyang ilong. Ngunit, sa mahabang panahon ng walang awang pagsisikap na isagawa ang nasa analisis, natuto siyang maglangoy. Naranasan niya na ang analisis ay gabay na kailangan ng tao, lalo na sa panahon ng kadiliman kapag humihina ang loob niya. Ngunit, sa wakas, mas buhay ang isip na gumagawa at paggawang nag-iisip, kaysa sa isip na basta't nanunuod at nag-aanalisis.

Ganyan lilinaw sa gumagawang nag-iisip, ang lugar ng analisis sa etika.

Kusang loob

Nakita na natin na tinatawag ng halaga ang tao na lumabas sa sarili at sabay matinding umiral sa kaloob-looban ng sarili. Kaya't ang buong galaw ng buhay halaga ay nagaganap sa kalooban. Ngayon, hindi maaring umiral ang halaga sa kalooban kung hindi nagkukusang loob ang tao.

Sa mga linalang sa sansinukob, ang bawat isa ay may sariling pagkusa. Kusang nahuhulog ang bola kapag nabitiwan. Kusang umaapaw ang ilog kapag naulanan ng malabis. Ang bubuyog ay kusang gumagawa ng pulut-pukyutan. Pagkusa ng ibon ang lumipad. At pagtahol sa di kilala ay pagkusa naman ng aso.

At may pagkusa pati ang tao. May sinabi si x at nainis ka na lamang. At nagalit ka na lamang noong nakita mo ang ginagawa ni y. Sa mga kilus at salita ni z ay napatawa ka na lamang. Ang pagkusa ay di alumanang umapaw sa iyong damdamin at nainis, napagalit, napatawa ka na lamang. Ngunit, dumating ang kaibigang ginagalang mo at kusang loob mong pinigilan ang iyong inis, galit, tawa.

Kung ganoon, pagpigil yata sa pagkusa ang pagkusang loob? Oo at hindi. Ang pagkusang loob ay taos na pag-alisto sa mabuti at totoo; at malayang paghubog ng mga sariling pasya, ayon sa mabuti at totoo. At batay dito, maaring mangyari na mapiligilan ang pagkusa, maari namang mangyari na lalong lalalim at titibay ang pagkusa.

Sabihin natin na naglakbay ang isang tao sa isang landas na malayo at mahirap upang dalawin ang isang kaibigan. Pagdating niya, baka niya sabihin: "Hindi sapilitan akong pumarito, kundi kusang loob." Ang ibig sabihin ay: hindi bilang pakitang tao o dala ng pag-asa na baka mapakinabangan niya, kundi sa isang malayang pagbukas ng sarili upang idulot ang sariling loob sa kaibigan at tanggapin naman ang kalooban ng kaibigan. Kaya't ang pagkusang loob ay hindi isang pagtanggi, kundi isang taos at malayang pagbigay-pagtanggap na ibinubukal ng tao mula sa kanyang kagandahang loob.

Ngayon, ang kilus ng halaga ay magaganap lamang sa larangan ng kusang loob. Ang kaloobang hindi alisto sa halaga ay hindi maririnig ang tawag nito. At ang taong hindi handang magbigay-tanggap loob ay hindi makatutugon. Maari tayong magsapilitan o magpanggap o magpakitang tao na sa halaga tayo kumikilos, ngunit, talagang nabubuhay ang halaga sa kusang loob lamang.

Meron

Ang halaga ay hindi hiwalay sa meron. Ang mismong meron ay halaga. Tinatawag na halagang ontolohiko ang mismong pagka-talagang-totoo, pagka-talagang-nangyayari ng anoman. At ang mga halaga na binigyan natin ng ibang pangalan ay mismong meron din. . .sa ganito o ganoong aspekto. Napakasiksik at napakayaman ng meron kaya't hindi natin kayang mapansin ang lahat ng aspekto ng sabay sabay. Kaya't kung ang talab sa akin ng meron ay para bagang umaapaw, sumisinag, nagdudulot ng tuwa, sasabihin kong nagagandahan ako. Halagang estetiko ang tumatawag at tinutugunan. Ngunit, nararanasan ko ito sa meron. itong bulubunduking ito, itong araw na ngayo'y lumulubog at kinukulayan ang papawirin, itong gitarang itong nanginginig sa musika at pinanginginig ang kahanginan. . .mga meron na ito ang tumatawag at tinutugunan, hindi isang idea o teorya ng kagandahan.

Ngunit, sa halagang intelektwal, hindi ba't purong idea ang tumatawag at hinahangaan? Oo. . .ngunit meron pa rin ang hinahangaan. Sapagkat walang purong idea kung walang taong nag-iisip. Ang hinahangaan talaga sa halagang intelektwal ay ang kilus ng utak nitong taong ito. Ang tumatawag sa akin na humanga ay ang pag-uutak nitong taong ito na nagsulat nitong librong ito sa matematika; at ang pag-uutak pa ng isa pang taong iyan na naglalahad ngayon sa kanyang inimbentong teorya. At tinutugunan at hinahangaan ko rin ang buong pumapaligid at kinabababaran na sangkameronan ng siyang pinaghahangoan ng lahat ng pag-iidea at pagteteorya.

Halagang moral

Nakaupo sa hukuman ang isang huwes. Sa harapan niya ay isang mahirap at isang mayaman. Meron silang alitan ukol sa batas. Malamang may isang nibel ng kanyang kamalayan na ang mga kaisipang gumagalaw ay ganito: Sa anong hatol kaya lalo akong magkakakwarta? Anong hatol kaya ang makapagbibigay sa akin g mabuting ngalan at puri sa madla? Ano kaya ang sasabihin ni a o b kung ang ihahatol ko ay p o q? Ngunit, sa kalaliman ng kanyang loob, ay baka ginigising niya ang kanyang katutubong pagkikiling sa katotohanan, at sa nibel ng pagkukusang loob ay nagpapakaalisto siyang tanggapin sa sarili ang katotohanan at ibigay ang sarili sa katotohanan. . .upang siya'y magpasakop sa katarungan. Sa nibel na iyan ang tawag na naririnig niya ay: ituon mo ang iyong buong katauhan sa pagtimbang sa ebidensya sa harapan ng batas at, kung ano ang totoo at katarungan, iyon ang sundin mo.

May isang taong may panghabang panahon na kaibigan. Buong buo ang tiwala ng kanyang kaibigan sa kanya. Lahat pati kwarta't ari-arian, pati pamilya, ay itinitiwala sa kanya ng kanyang kaibigan. Marahil may nibel ng kanyang pagmamalay na kinagagalawan ng mga kaisipang gaya ng: Kay tanga nitong taong ito. Kung anu-anong pagsasamantala ang nagawa ko na sana sa kanya. Wala siyang kakayahang maghinala at ang galing ko namang magbalatkayo. Kung hindi ko pa siya nililinlang hangga ngayon, ito ay sapagkat ako ay maginoo, mabait at malawak ang kalooban. Ngunit, sa nibel ng kusang loob, ng kanyang tunay at tapat na katauhan, naririnig niya ang meron ng kanyang kaibigan bilang dignidad, bilang biyaya, bilang sagrado. Kaya't ang mismong meron ng kanyang kaibigan ay tawag sa kanya na kailangang tugunan ng galang, katapatan, pagmamahal. Hindi bilang pagyuko ng mataas sa mababa, kundi bilang simpleng pagtupad sa totoo, pagbigkas at pagsagawa sa meron.

Dalawang halimbawa iyan ng halagang moral, at hindi mahirap kilalanin na karanasan nga ng tawag ng halaga ang nakasangkot dito. Ang tawag ng halagang moral ay maaring tanggihan, huwag punahin, ng taong pumapasyang humiwalay sa kanyang kusang loob. Ngunit, sa pagbabalik loob mararanasan ang halagang moral bilang tawag na tanggapin ang halaga sa sarili at ibigay ang sarili sa halaga, sa meron, sa totoo. At nararanasan din ang halagang moral bilang tawag na pinalalampas ang tao sa sarili at sabay pinalalalim ang kanyang pagkilus sa kanyang kaloob-looban. Kaya't parang magkatumbas ang istruktura ng pagdanas sa mga ibang halagang nakita na natin.

May pagka-pareho nga ang halagang moral sa mga ibang halaga, ngunit, ibang iba pa rin.

Pagka-seryoso

Unang una, may kakaibang pagka-seryoso ang halagang moral. Sa mismong paglabag, lumilitaw ang pagkaiba. Ang hindi pagpansin sa ganda ng lumulubog na araw ay nasa ibang di hamak na larangan sa hindi paggalang sa karapatan ng inaapi. Ang hindi paghanga sa isang teorem sa matematika ay hindi paipapantay sa hindi paggalang sa pagkasagrado ng kapwatao. Mapapalitan ang mga ibang halaga, ngunit hindi mapapalitan ang halagang mora. Masasabi ng tao: Hindi ko masakyan ang pintura ni Picasso, pero nagagandahan ako sa pintura ni Amorsolo. Ngunit, paglapastangan sa sangkatauhan kung may magsasabi: Hindi ko masakyan ang maging makatarungan sa mahihirap, pero mabait ako sa mga aso. Tatanggapin ng taong matino kung may hihiling sa kanya: Ipagpaumanhin po ninyo, hindi ko mahangaan ang inyong teorya at napakakomplikado po ng mga idea para sa akin. Ngunit, pagtanggi sa sangkatauhan kung may magssasabi: Ipagpaumanhin mo ako't sinamantala ko ang aking kaibigan, sapagkat hindi ko istrok itong pananatiling tapat.

Ang halagang moral, sa kanyang kakaibang pagka-seryoso, ay hindi maaring palitan o ipagpaumanhin kaninoman. Nararapat sa bawat tao na buong pagsisikap niyang dinggin at tugonan ang halagang moral. Maaring bulag at bingi ang tao sa mga ibang halaga. Halimbawa, hindi pangkalahatan ang talino sa pintura o sa musika o sa matematika. Ngunit, sa halagang moral, bukal sa taong maging mulat at alisto. Kung nagbibingi-bingihan.

Bukod-tanging tawag sa taong malaya

Ang tawag ng halagang moral ay tumatalab sa kaloob-looban ng taong malaya. Ang walang kalayaan ay hindi mapasasagot, sapagkat hindi makasagot. Ang lahat ng ginagawa niya ay hindi niya maiwasang gawin. Ngunit, hawak ng malaya ang kanyang sarili; kaya niyang umoo o humindi; kaya't kailangan niyang sumagot. Ang tawag ng halagang moral ay nararanasan ng tao bilang pananagutan.

Sa halagang moral, totoong totoo ang nakita na natin sa mga ibang halaga: na tinatawag ang taong limutin ang sarili at limutin pati ang pagkalimut sa sarili. Sa ganitong pagka-ibayo masasabi niya: :Ang bawat tao ay hindi-ako; at ako'y hindi-siya; at sa kanyang pagkahindi-ako, ako pa rin siya; at sa aking pagkahindi-siya, siya pa rin ako." Ngunit, hindi niya sinasabi ito sapagkat buhos na buhos siya sa pagsasagawa nito. Itong pagsasagawang ito ang pinagmumulan ng pakikisama, ng komunidad. Ito ang abot tanaw na pinagsisilangan ng pagmumulat na kailangan ng taong sumagot ukol sa kanyang pagtupad o hindi pagtupad sa tawag ng halagang moral. Ito ang sinaunang pagtuklas ng tao na ang buhay niya ay pananagutan.

Kahit na ang taong hindi naniniwala sa Diyos ay kayang madama ang kanyang pananagutan: "Kailangan kong sumagot." At sa kanyang pagtataka: "Kanino ako sasagot?" Baka isipin niya, "Sa aking kapuwa." At sa kanyang pagmumuni-muni'y baka matauhan siya: "Ang aking kapuwa ay kasing buti ko, kasing sama, kasing tibay, kasing dupok. Hindi sa akin siya sasagot. Hindi sa kanya ako sasagot.: At baka sa yugtong ito'y matuklasan niya ang Maykapal.

Galing din sa pagkamalaya ng tao na kapag tinanggihan niya ang halagang moral at ang kanyang pananagutan ukol sa halagang moral, may pagkawasak sa sarili na nagaganap. Sapagkat ang kalayaan ay hindi lamang pagka-maaring-piliin-ang-a-o-b. Hindi totoo na, sapagkat kaya ng taong pagpilian ang a o b, a man o b ang piliin niya, buong buo pa rin ang katauhan niya. Kung may halagang moral na nasasangkot, ang pagtanggi sa halaga ay may pinapasok na "pagkawala sa kondisyon" ng mismong pagkatao. Sumasulpot ang isang hidwaan na inilalaban ng tao sa kanyang sarili, sapagkat sinubukan niyang magpakasarili sa pamamag-itan ng pagtanggi sa sarili. Iyan ang maaring matuklasan ng tao kapag masusi niyang pagmuni-munihan ang kanyang buhay: na ang pagtanggi sa halagang moral ay pagtanggi sa sarili. Nasa ating poder kung a o b ang piliin natin; wala sa ating kung ano ang magiging bunga ng ating ginawang pagpili...lalo na kung halagang moral ang nakasangkot.

Larangan ng parusa at gantimpala

Delikado ang katagang "parusa" at "gantimpala". Baka ang naaalala ay isang magulang o titser o pulis na istrikto at galitin at palaging nagbabanta na pahihirapan niya ang sinumang lumalabag sa batas. Hindi ganyan ang tinuutukoy dito.

May larangan ng parusa at gantimpala na nasasakot sa halagang moral. Halimbawa, iyong nabasa natin sa peryodiko itong buwan na ito. Na may taong may baril na pumasok sa isang eskuwelahan at pinagpuputukan ang mga bata. At iyong mga taong pumunta sa isang baryo at may pinagpapatay na mga lalaki at nilapastangan na mga babae. Dito nakikita natin agad na kung may gumawa ng ganyan, hindi dapat magpatuloy ang buhay na parang walang nangyari. Sa mismong meron ng aktong tumanggi sa halagang moral, nakikita natin ang pagka-dapat-parusahan.

At sa mismong meron din na gawaing tumutupad sa halagang moral, may nadaramang buhay, kapayapaan, pagtitindi ng pagkatao. At natatanaw natin sa taong gumagawa, ang pagka-dapat-hangaan, pagka-dapat-purihin.

Pinapasan sa likod ng gumagawa

Ngunit ang mismong gumagawa ay hindi nakikita ang kanyang pagka-dapat-hangaan-at-purihin. Kung may isang taong naglalakbay sa kabundukan at meron siyang natagpuang kapuwa taong sugatan at hubab sapagkat hinoldap ng mga tulisan; at kung ang taong ito'y nagmalasakit sa sugatan, iniligtas at inalagaan, ito'y sapagkat naririnig niya na meron ang meron ng kanyang kapuwa tao bilang sagrado, bilang, biyaya na pananagutan niyang buhayin. Ang dignidad ng kanyang kapuwa ang kanyang iniintindi. Tayong mga nakikibalita, tayo ang nakakapansin, at ang iniintindi, ang kanyang pagka-dapat-hangaan-at-purihin. Pinapasan niya ito sa kanyang likod. Hindi niya nakikita. Tayo ang nakakakita. Kung ibig niyang makita na siya'y dapat hangaan at purihin, kailangan niyang pilipitin ang kanyang liig upang makita niya ang kanyang pinapasan. Sa pagpipilipit na ito, hindi na niya mapupuna ang pagkasagrado ng kanyang kapuwa. . .at mawawala ang kanyang pagka-dapat-hangaan-at-purihin.

Inaapi, umaapi

Kasabihan ni Sokrates na ang pagwawasak sa kanyang sarili na ginaganap ng taong umaapi ay daig pa ang pagwawasak na ginagawa niya sa taong inaapi niya. Kaya't mas mabuting maapi kaysa umapi.

Hindi nito ibig sabihin na dapat huwag labanan ang umaapi. Dapat labanan ang umaapi. Ang itinuturo ng kasabihan ay: na ang lumalaban sa umaapi ay dapat huwag malimutan na tao ang nilalabanan niya. At ang tao, mabuti man siya o masama, ay tao pa rin, at sagrado pa rin. Maaring mangyari na dapat siyang labanan, o baka parusahan pa, sa buong kabagsikan ng katarungan; ngunit, nasa katarungan rin na dapat huwag mawala ang pagtanaw sa dignidad ng kanyang katauhan.

Ang kanyang katauhan ay tawag pa rin sa akin na galangin siya. Kaya't ang paglaban sa kanyang pag-aapi ay hindi dapat gawin sa pamamag-itan rin ng pag-aapi sa kanya. Kung ganoon ang gagawin ko, tinulad ko na rin siya't winasak ko na rin ang aking sarili. . .at ni hindi ko natulungan ang mga inapi niya. . .at ni hindi ko siya natulungan.

Ang tawag na hindi humihinto

At kung hindi tumutugon sa tawag ng halagang moral ang tao? Nawawasak siya pero hindi nawawasak ang halagang moral. Kung itinuring kong kasangkapan ang isang tao, winasak ko ang katauhan ko, pero patuloy pa rin ang tawag sa akin na galangin siya. Hindi niya kailangang magsalita. Ang mismong meron ng kanyang pagkatao ay tawag sa akin: galangin mo ako.

Kung hindi ko pinansin ang tawag sa akin ng isang sitwasyong hindi makatarungan, na gawin ko ang magagawa ko. . .kaya't lalong lumubha ang sitwasyon. . .may nawasak sa akin, pero hindi nawasak ang pagtawag ng sitwasyon, patuloy pa rin ang tawag sa akin. Maraming nasisira sa pagtanggi sa tawag ng halagang moral, pero hindi nasisira ang mismong pagtawag. At kung patuloy akong hindi nakikinig, maaring magkaroon ng ibang katangian ang pagtawag. Maaring maririnig ko ngayon ang tawag, bilang pagbintang sa akin o bilang tawag sa pagbabalik loob o bilang tawag na muling buoin ang wasak.

Ang tawag bilang pagdanas sa Maykapal

Marahil, sa ating pagmumuni-muni ukol sa tawag ng halaga, sumagi sa ating alala ang ukol sa tawag ng konsensya.

Ano ba ang konsensya? Sa aking nakikita, may dalawang kalabisan na kung minsa'y kinahuhulugan natin ukol sa konsensya.

Iyong una ay itinuturing na ang aking konsensya ay isang boses sa aking kalooban na tiyak na tiyak na tama at wasto at katotohanan. Impalible. Kung sa bagay, boses talaga ng Diyos. Hindi ko na kailangang kilatisin, at walang makatutulong sa akin sa pagbasa sa aking konsensya sapagkat Diyos talaga ang nagpapaalam sa akin sa malinaw na pagpapaalam. At kung may magtanong sa akin kung batay sa ano ko dinesisyon ang isang bagay, hindi ko kailangang sagutin sapagkat wala siyang karapatan magtanong.

Sa palagay ko, ang karamihan sa atin ay may mga naaalalang pagkakataon na akala natin na sinusundan natin ang isang wastong konsensya. . .at pagkatapus ay natauhan tayo na nagkamali tayo; at natauhan tayo na sa konsensya'y kailangan ang matinong pangingilatis; kaya't kailangan din ang matinong pag-uunawa, matinong damdamin at kalooban. . .upang ang pagkilatis ay humantong sa matinong pagdedesisyon.

At dito'y baka tayo mahulog naman sa baliktad na kalabisan. Baka isipin natin na ang konsensya ay isa lamang proseso ng pag-iisip. Baka manindigan ako na kung meron akong matinong pag-uunawa at ginamit ko ito sa isang disiplinadong kalooban at damdamin, tiyak na wasto ang magiging pagkilatis at desisyon.

Totoo nga na kailangan kong gawin ang lahat nito; kailangan kong gamitin ang lahat ng mga kakayahang makatao ng disiplina at katinuhan. Ngunit, kung nagawa na ang lahat. . .o mas ayon sa katotohanan, habang ginagawa pa natin itong katinuhan na kailangan nating gawin. . .may ibang presensya na nagpadarama sa tao. Ang konsensya ay hindi lamang proseso ng isip, o teorya at impormasyon ukol sa etika. Ang konsensya ay udyok sa liwanag ng isip, pagbigay loob sa pagsagawa, utos sa kalooban: tupdin mo ang wasto; gawin mo ang mabuti. Dito yata natatauhan tayo na ang tawag ng halagang moral ay tawag ng Puon na Siya pala ang mismong Halaga. Dito yata natatauhan tayo na ang bawat tawag ng halagang moral ay tawag ng Maykapal, na ang bawat aspekto ng halagang moral na nararanasan natin ay isang aspekto ng halagang moral na nararanasan natin ay isang aspekto ng pagtulad sa Halaga na halaga, Meron na meron.

Kaya pala tinatawag tayo sa isang paglabas sa sarili na lumalampas sa lahat ng paglabas sa sarili. . .sa isang paglimut sa sarili na nalilimutan ang paglimut sa sarili. . .kaysa sa anomang kaya nating akalain.

TALASANGGUNIAN

Covey, Stephen R. 1994. First Things First. New York: Simon and Schuster, Inc.

Ferriols S.J., Roque J. 1991. Pambungad sa Metapisika. Quezon City: Office of Research and Publications.

Gadamer, Hans-Georg. 1984. Truth and Method. 2d revised ed. Translated by Joel Weinsheimer and Donald G. Marshall. New York: Continuum Publishing Company.

Jürgen Habermas. 1996. Between facts and norms: Contribution to a discourse theory of law and democracy. Translated by William Rehg. Cambridge, Massachusetts: MIT Press.

Ibana, Rainier R. A. 1996. Pagpapahalagang Moral: Mga Unang Hakbang. Quezon City: Sublime Paralytic Publications.

Mercado, Leonardo N. 1979. Elements of Filipino Ethics. Tacloban City: Divine Word University Publications.

Reyes, Ramon Castillo. 1989. Ground and Norm of Morality: Ethics for College Students. Quezon City: Ateneo de Manila University Press.

 


BACK TO ETHICS MAIN PAGE

 

Karapatang Ari © 1998
J. S. Eliab
Walang bahagi ng mga nakasulat dito ang maaring gamitin ninuman

sa anumang anyo at hugis na walang nakasulat na pahintulot
ang tagalathala maliban sa ilang pagsiping
gamitin sa pagtatasa ng
mga gawain at paksang nakasaad dito.