IRA CALATRAVA
Philo 2, Philo 107
Grado: A

Nararanasang maganda ang kaayusan na umaapaw. Kaya may sinauna nang kaayusan na nasa kalikasan, isang panloob na istruktura na sanhi ng maayos na pag-iral. Nararanasan rin itong pagka-maayos bilang mabuti, sapagkat ang paglabag sa kaayusan, ito ay isang pagpapakawasak ng sarili. Sa tao, aktibong pinapasya ang pagpapakabuti. May kahiligan ang tao na hanapin ang kanyang kaligayahan, ngunit nanatiling nagnanais an tao sa lampas pa sa kanyang natutuklasang maligaya. Kailangan niyang tanggapin ang pagkasap ng kanyang natutuklasan nhunit patuloy ang pagsisikap na tumutungo sa kanyang kaganapan. Ipaliwanag.

Kaayusan … isang malalim na salita, hindi ba? Subalit lahat tayo ay nakakaintindi nito. Naiintindihan naitn ito dahil nararanasan natin ito. Sa simula’t simula pa lamang, may kaayusan na na nagaganap sa kalikasan. Punahin mo ang iyong kapaligiran. Mapapansin mo na ang lahat ay may kanya-kanyang pwesto, posisyon, trabaho, ginagampanan, atbp. Ang ibon ay lumilipad, ang puno ay nakatayo, ang hangin at dagat ay gumagalaw, atbp. Lahat ng bagay sa mundo ay nakadikit sa batas ng kaayusan ng kalikasan.

Sinasabing maganda ang kaayusan na umaapaw. Maganda, ibig sabihin mabuti. Kung lahat ng bagay sa mundo ay umaapaw sa kaayusan, magiging maganda ang mundo, hindi ba? Sa likod ng kaayusan na ito ay ang istrukturang pag-iral ng maayos. Isipin mo, lumilipad ang ibon dahil nasa istruktura niya ang lumipad, gayon din ang mga isda. Lumalangoy ang isda dahil nasa kaanyuhan niiya ito. Nakakita na ba kayo ng ibon na lumalangoy? Hindi pa dahil wala sa kaanyuan ng mga ibon ang lumangoy. Ito ang mabuti para sa ibon – ang lumipad. Ito ang maganda na dapat ay sa kanya.

Ngayon, puntahan natin ang ating katauhan. Kasama tayo na tinatawag na kalikasan. Kung gayon, tayo rin ay dapat na sumunod sa batas ng kaayusan. Pansinin natin ang likas na kaanyuan ng isang tao. Siya ay inaatasang mag-isip ng kaayusan sa sa kalikasan. Ibig sabihin, tayo ay ipinanganak at bingyan ng isip subalit dapat natin itong pagyamanin. Hindi natin ito basta na lamang bayaan dahil instrinsiko na siya sa atin. Kailangan natin siyang gamitin upang mapalawak at mapagyaman natin.

Nang tayo ay ipinanganak sa mundo, likas na sa atin ang mag-isip. Sa pagdaloy ng panahon, ang pag-iisip na ito ay lumalalim. Halimbawa, isipin natin ngayon kung ano nga ba ang pag-ibig. Noong tayo’y bata pa, iba ang konsepto natin sa salitang ito. Maaring ito ay pagmamahal sa Diyos, magulang , kapatid, atbp. Subalit, namulat tayo sa iba pang mga kahulugan sa pagdaloy ng panahon. Maaring ngayon, ang konsepto mo sa pag-ibig ay ang pag-ibig sa iyong kasintahan.

Subalit kahit na likas na sa atin ang kaayusan ng pag-iisip, nagkakaroon din ng mga panahon na nilalabag na natin ang kaayusan ito. At dahil sa paglabag natin, nasisira ang pagkamaayos ng ating sarili. Halimbawa, likas na nga sa atin ang mag-isip. Sa pag-iisip, nakikisalamuha tayo sa ating mga nararanasan. Subalit may mga pagkakataong, sa pakikisalamuha natin ay sinasarahan natin ang ating pag-iisip. Ibig sabihin, kinakahon natin ang mga bagay na maaari pang bigyan ng iba pang kahulugan. Kung paniniwala natin na ang pag-ibig at pag-ibig lamang sa Diyos at hinihinto natin dito, winawasak natin ang ating mga sarili. Bakit natin siya winawasak? Dahil nagiging makitid ang ating pag-iisip. Tinatalikuran na natin ang pwede pa pa nating danasin sa larangan ng pag-ibig. Binibigyan natin ng tuon ang pag-ibig na sa Diyos lamang, at binabale-wala natin ang pag-ibig sa kapwa, hayop, kalikasan, atbp.

Ngunit maswerte tayo dahil kahit na nagkakaroon ng mga pagkakataon na nilalabag natin ang ating mga kaayusan, aktibo nating pinapasya kung ano ang mabuti para sa atin. Patuloy nating hinahanap ang dapat para sa tao. At sa paghahanap na ito, kasama rito ang paghahanap natin sa ating mga kaligayahan. Kung ang dapat para sa atin ay mag-isip, patuloy nating hinahanap ang kaligayahan natin sa pag-iisip. Hindi tayo nagkukulong, bagkus nakikisalamuha tayo. At sa pakikisalamuha na ito, ninanais natin na lampasan pa ang kaligayahan na nararanasan natin. Gusto natin na mayroon pang mas hihigit pa rito. Mas nagiging maligaya tayo rito, hindi ba?

Sa paglampas natin sa ating pakikisalamuha, marami tayong natutuklasan. Natutuklasan natin na myroon talagang dapat para sa atin. Natutuklasan natin na sa dapat na ito ay may mas nakahihigit pa rito subalit dapat tayong maging kontento. Huwag nating pilitin ang ating mga sarili na tumuklas pa ng higit sa ating makakaya. Tmasin natin ang pagkamasapat nito. Huwag tayong kumulang at huwag nating pilitin na lampasan ang ating nararanasan. Ngunit, sa pagiging kontento na ito, huwag tayong huminto sa pakikisalamuha. Patuloy nating danasin ang mga bagay-bagay sa mundo. Patuloy tayong magtrabaho o makisamuha upang marating natin ang ating kaganapan. Patuloy nating hanapin ang totoong pagpapakatao. Ito ang dapat para sa atin. Ito ang mabuti, ito ang maganda.

May kaayusan na namamagitan sa kalikasan. Kasama tayo sa kaayusang ito. Dahil dito, kailagan natin sundin kung ano ang nararapat, ang paglabag nito ay ang pagwasak natin sa ating mga sarili. Subalit dapat nating isaalang-alang na aktibo tayong nakikisalamuha sa mabuti. Patuloy nating hinahanap ang kagandahan para sa tao subalit kailangan nating maging kontento. Maging maligaya tayo sa kasapatan ng ating nararanansan ngunit huwag tayong huminto dito. Makikipagsapalaran tayo upang matamo natin ang ating kaganapan bilang mga tao.

Home | Ethics | Philosophy