‘Di Munting Kaisipan Mula sa Munting Prinsipe
Ma. Theresa Jae Sonza, September 8, 1998

Hey Felix!

Ito ang aking ikalawang beses na pagbasa ng kwento ng Munting Prinsipe. Ang una ay noong nasa unang taon ako sa mataas na paaralan sa English. Wala na akong matandaan tungkol sa kwentong ito kundi: Ang tunay na mahalaga ay yaong hindi nakikita ng mata. at Ako ang responsable sa aking bulaklak... Kakaibang karanasan ang mabasa ko itong muli.

Tunay ngang likas sa tao ang makipag-kapwa. Biro mo, ang piloto ng kwento ay nasa gitna ng isang mainit at malawak na disyerto, sira ang eroplano, katiting ang natitira sa kanyang dalang tubig, ngunit nakuha pa niyang makipag-usap sa isang munting nilalang, na kung iisipin ko, "weird" ang mga pinagsasabi at pinagtatanong... sa gitna ng krisis, magpapaguhit ng tupa!

Isa pa sa mga namulatan ko sa kwentong nabanggit ay ang kawalang hawak ng tao sa tunay na kahulugan ng kanyang pagmemeron. Sa kwento, mapapansin natin ang iba’t ibang klaseng pananaw sa halaga at kahulugan ng pagmemeron, sa pamamagitan ng iba’t ibang nilalang sa iba’t ibang asteroids.

Ang una ay isang haring nagbibigay ng kautusan. Isa siyang mabuting hari, sapagkat meron siyang hustisya sa pagbibigay ng kautusan. Ngunit malungkot at haring ito sapagkat siya’y nag-iisa. Sa tingin ko, kaya siya nag-iisa ay sapagkat hindi niya tinuturing ang kanyang mga kahalubilo bilang kaibigan. Bagamat siya’y mabait at patas, wala pa ring gustong pumirmi sa kanyang planeta, sapagkat lagi lamang itong titingnan ng hari bilang isang "mas mababa" sa kanya. Ang hindi ko makakalimutan sa sinabi ng hari ay na: Subukan mong husgahan nang patas ang iyong sarili. Kapag nagawa mo yaon, ikaw ay tunay na marunong. Tama nga naman iyon; madalas ay hinuhusgahan natin ang kapwa, na akala mo kung sino’ng Pontio Pilato tayo kung makaasta, ngunit pagdating sa paghuhusga sa ating mga sarili...natatameme tayo.

Nakadaan din ang Munting Prinsipe sa mga planeta ng mayabang, lasingero, mangangalakal, at tagasindi ng lampara. Sa lahat, ang nakapalagayang loob lamang ng Prinsipe ay ang tagasindi ng lamapara, sapagkat ito lamang ang nag-iisip para sa iba.

Kung minsan, iniisip kong lahat ng mga tauhan na nabanggit ng Munting Prinsipe ay nasa loob ko: na ako’y may pagkiling na mag-utos, may kayabagan, may pagbabaling na gumawa ng kapalpakan upang pagtakpan ang aking kahihiyan sa mga kapalpakang nagawa ko noon, may pagnanais na sukatin ang lahat, ngunit may tulak na pagsilbihan ang iba.

Mapapansin din na sa buong kwento ay kinukutya ang mga nakakatanda. Sabi pa ng kwento: Ang mga nakakatanda ay hindi nakakaunawa nang mag-isa ; dapat lagi pang ipaliwanag ng mga bata sa kanila ang kahulugan ng mga bagay-bagay. Ito’y isang kabalintunaan. Sa isang banda, mas maraming "alam" ang nakakatanda (sapagkat marami siyang nasusukat), ngunit wala naman siyang tunay na nauunawaan.

Naalala ko tuloy nang magkatampuhan kami ng aking matalik na kaibigan (itatago ko sa pangalang Kat). Pinag-uusapan namin ang isang tao na sobrang higpit sa pera. Hindi siya nagpapalabas ng pera, hangga’t walang sapat na katibayan o kasulatan na nagsasaad kung para saan ang pera. Kahit pa man, anong pagpapaliwanag mo na ang pera ay kailangan kaagad para matapos ang isang proyekto, hindi ka niya bibigyan. Sabi ni Kat, hindi ko daw masisisi ang taong yaon, sapagkat siya ay isang Accountant; kailangan niyang alagaan ang pera. Ako’y nagimbal sa kanyang sinabi; nagalit ako sa kanyang pananaw sa tao bilang mga "numero" o mga "gawain" (functions). [Iba yun kaysa sa tunay na buhay, na ang isang tao ay kailangang maghintay sa paglalabas ng pera, sapagkat binabayaran siya para magtrabaho. ‘Yung pinag-uusapan namin ay isang estudyante na nagsasakripisyo, ginugutom, sinisigawan, para magawa lamang ang isang proyekto. Isang volunteer na hindi dapat tipirin ng isang nagnanasang maging accountant.]

Iba ang pananaw ng mga mag-aaral ng Agham Panlipunan. Kahit pa man ang Economics ay isang Quantitative Course, tinuturuan kami na sa final analysis, mas mainam, kung ano man iyong nakabubuti sa tao... na ang tao ang pinag-iikutan ng lahat ng gawaing panlipunan at komersyal. Iba yata ang pananaw ng mga kumukuha ng komersyo. Nakakatakot isipin na karamihan ng mga Atenista ay kursong pang-komersyo ang kinukuha.

Hindi kasi lahat ng bagay sa mundo ay nasusukat. Ang buong sangkameronan ay napakalawak, at iyong mga nasusukat ay katiting na bahagi lamang ng kabuuan. Madalas binubulag natin ang ating mga sarili sa pagtutuon ng pansin sa kung ano lamang ‘yung nakikita natin: ang proyekto, ang budget, ang "baka" nakatatagong ambisyon ng volunteer. Hindi natin nakikita na siya nagbibigay ng serbisyo dahil sa nais niyang makatulong at magmahal, na walang halaga ang papuri sa kanya. Sabi nga ng lobo: Ang tunay na mahalaga ay yaong hindi nakikita ng mga mata.

Isa pang kwento ay tungkol sa aking "kaibigan" na hindi gaanong gusto ng iba. Ayon sa kanila, ang babae daw na iyon ay malandi, maarte, boba, nakakainis. Kung ang panlabas ang titingnan, maaring tama sila. Ngunit nakikita ko sa kanya ang kabaitan, pagmamahal, at kasiyahan. Nalalampasan ko ang nakikita ng hubad na mata. Nakikita kong siya ay tao... siya’y mahalaga para sa akin. Siya ay bahagi ng aking "bulaklak"

Abala kasi ang mga matatanda (marahil ay kasali na ako doon) sa paghahagilap ng pera, karangalan, mga bagay na dala ng pagkakataon (matters of consequence). Sabi ng bulaklak sa Munting Prinsipe: ang mga tao’y walang ugat, nadadala sila ng hangin, kaya mahirap ang buhay nila. Maaring ang tinutukoy na ugat ay ang mga prinsipyo sa buhay. Nakakalimutan nating masayahan sa mga munting bagay. [Kaya naman masaya ako sa pagbibisita sa aking 2 taong gulang na pinsan. Namamangha at naaliw ako sa kanyang mga pinagsasabi at pananaw sa buhay. ] Masyado tayong abala sa mga walang kwentang bagay.

Isa pang namulatan ko ay ang konsepto ng pag-aamo. Ninanais ng lobo ng paamuhin siya ng Munting Prinsipe, para sumikat ang araw sa kanyang buhay. Ipinaliwanang din ng lobo kung ano ang tunay na kahalagahan ng rosas ng Munting Prinsipe: ito ay "kanyang rosas", napaamo niya at naapaamo siya nito.

Noong nakaraang taon, mayroon akong isang kasamahan sa opisina. Ako’y naiirita sa kanya, sapagkat lagi siyang nagdadala ng mga kaibigan na nag-iingay sa aming opisina. Pitong buwan na kaming magkasama sa isang opisina, ngunit hindi kami nagtatalaban. Natatakot akong paamuhin (o kaibiganin) siya, sapagkat mukha siyang mataray. Marahil ay natatakot din siyang makipaghalibulo sa akin sapagkat mukha akong mayabang. [Nakakatakot naman talagang magpaamo, gaya ng Prinsipe sa lobo... e kung kagatin siya no’n!] Ngunit,dahil sa naakit ako ng hindi ko alam tungkol sa taong iyon, sinimulan kong kilalanin siya. Matapos ang dalawang buwan, kami’y nagtalaban nang tuluyan. Naging matalik na kaibigan ko siya. Sa tuwing napapadaan ako sa isang lugar na nagpapaala sa akin sa kanya, natutuwa ako. Sa tuwing maririnig ko ang isang kantang madalas naming awitin ay napapaawit ako sa tuwa. Hindi iyon nararamdaman ng ibang tao, sapagkat iba ang karanasan nila sa taong yaon sa karanasan ko. Iyon ay karanasang natatangi sa akin.

Ngunit tulad ng ibang mga katotohanang inilahad ng kwento, isang masaklap din ang katotohanan na kailangang magpaalam. Hindi natin mahahawakan ang ating mga kaibigan habang panahon. At hindi din tayo maaring manatiling bata habang panahon. Kailangan nating magpaalam, kailangan nating lumaki. Kailangan nating pakawalan ang mga ito...

Ang sinasabi lamang ng Munting Prinsipe ay ganito: kailangang magpaalam... huwag lang makakalimot. Ang lahat ng mga bagay o taong iniwan mo at umiwan sa iyo ay tumulong sa pagbubuo kung sino ka. Mananatili sila sa iyo. Mananatili sila sa alaala at sa puso.

 

Home | Philosophy | University

All Rights Reserved J. S. Eliab 1999
01/11/99