Alexander
Bao Ito ang arete ng tao: gumawa ng kapaligiran upang maging posible sa tao na siya'y makakita, makarinig, at maranasan na siya ay tanga, upang lubusan siyang magpakatao. Sapagkat isang importanteng hakbang ang pagmumulat sa sariling katangahan. Kay Sokrates, atitud, paningin, pagsisikap ang buong pagtutungo ang ironya: alam-sabay-di-alam. Isang paglilingkod sa kapuwa ang kanyang ginagawa pagtatanong upang isabuhay itong ironya. Pinapahiwatig ni Sokrates na kailangan ng taong mamulat at tanggapin ang kanyang katangahan bilang angkop sa tao. batay sa kaayusan na nasa kosmos. Isa rin itong paglilingkod sa diyos. Magbigay ng isang makisig na pamumuni batay sa Apologia. Isang katotohanan para sa akin na masakit ang tawagin akong tanga. Ayaw kong ipamukha sa akin ang mga bagay na hindi ko alam. Nasasaktan ako sa tuwinang ako ay tinatawanan kapag walang masagot dahil wala akong alam. Dala nito, ayaw ko nga minsan magsalita dahil ayaw kong mapagtatawanan ng tao. Nahihiya nga akong makisalamuha sa mga taong "maraming alam." Tanga nga ba ako? Wala nga ba akong alam? Dapat ba itong ikahiya? Ang makatutulong sa akin sa pagsagot sa mga tanong na ito ay ang Griyegong pantas na si Sokrates. Ang nilalaman ng papel nito ay ang bunga ng aking pagmumuni-muni at pagkaintindi sa Apologia na ginawa ni Platon ukol kay Sokrates nang siya'y hinabla at pinaratangan ng mga kasalanang pangungurakot sa mga kaisipan ng kabataan, hindi naniniwala sa mga diyos, at sa pagpapahiya sa mga kilalang tao sa Atena. Nagsimula ang lahat ng ito nang tumungo si Sokrates at isang kasama sa Delphoi. Sa isang templo ay nalaman niyang pinangalanan siya ng diyos na si Apollo na siya ang pinakamarunong sa lahat ng tao. Isa itong kabalintuanaan para sa kanya sapagkat marami siyang hindi alam. Ngunit hindi niya ito kinalaban sapagkat alam niyang ang lahat ng sinasabi ng diyos ay totoo. Kaya ang ginawa niya ay nagtanong siya sa mga tao. Ang mga tinanong niya ay ang mga pulitiko, mga alagad ng sining, mga sophista, at mga nagtetekne. Isa sa mga nakita niya ay ang kanyang pagkatanga o walang pagkaalam sa mga bagay-bagay na ginagawa ng mga taong ito. Ngunit napansin din niyang ang lahat ng mga ito ay nagmamarunong. Nagkukunwari silang alam na nila ang lahat-lahat tungkol sa kanilang propesyon. Nagkukunwari silang alam na nila ang lahat ng bagay. Ayaw nilang tanggapin na meron din silang hindi nalalaman. Ayaw nilang tanggapin na merong mas mataas pa sa kanila na gumagabay sa kanila at nagbibigay sa kanila ng mga kakayahan. Sa madaling sabi, ayaw nilang tanggapin na sila ay tanga. Sino nga ba ang gusto na tawagin siyang tanga at walang alam? ... Si Sokrates. Ibang-iba si Sokrates. Tanggap niyang wala siyang alam. Tanggap niyang tanga siya. Ito ay alam niya. Dito niya sinimulan ang kanyang pag-iintindi sa karunungang tinutukoy ng diyos. Ang karunungang ito ay ang pagkaalam na wala siyang alam. Ito ang kinaiba niya sa iba. Tanga siya at walang alam, at hindi niya ito ikinahihiya. Nakita ngayon ni Sokrates na ang lahat ng tao ay nakukurakot na ng kaisipang hindi sila tanga. Sila ay nagmamarunong. Kinakailangang ibalik ang pagmumulat sa sariling pagkatanga. Naiintindihan niya ang pagkatangang ito sa liwanag ng kaalamang nasa sa mga diyos. Ganap at absoluto na ang kaalaman ng mga diyos. Hindi kayang tumbasan ng tao ang kanilang kaalaman. Katiting lamang ang kaalamang pantao kung ikumpara sa kaalaman ng mga diyos. Ang ginagawa ng tao na pagmamarunong ay hindi bahagi ng pagpapakatao ng tao. Hindi ito likas sa kanya. Ang likas sa tao, at ang tunay na tao, ay ang pagiging tanga. Dala ng mga impluwensiyang panlabas, nakakalimutan ito ng tao. Nang dahil lamang sa mga kakaunting mga bagay na nalalaman niya, inaakala na niyang alam na niya ang lahat. Iminungkahi ni Sokrates, sa bahaging ito, na ipaalala sa tao ang kanyang kalikasan. Isa itong pagbabalik-loob ng tao. Kailangan niyang balikan ang dapat sa kanya. Ito ang misyon ni Sokrates. Ang pagpapaalam ng diyos kay Sokrates na siya ang pinakamarunong sa lahat ng tao ay hindi isang katotohanan lamang. Dala nito ay ang misyon niya sa buhay: ang ibalik sa mga taga-Atena ang kanilang nalimutang mga sarili. Ang pagtatanong ngayon ni Sokrates ang naging paraan niya upang ilagay ang mga tao sa isang kalagayan kung saan mamumulat sila sa kanilang pagiging tanga. Ipinakita niya ang importansiyang ito ypang tunay na magpapakatao ang mga tao. Ipinakilala niya sa mga tao ang kanilang pagkatanga at ang pagkamarunong ng mga diyos. Ipinakita niya na ang pagkilala sa karunungan ng mga diyos na lampas sa tao ay isang paglilingkod sa diyos. Ito ang karunungang hinahanap ni Sokrates na nasa sa kanya. Ito ang karunungang sinasabi ng mga diyos na nagpapangibabaw sa kanya sa ibang tao. Ang karunungang ito ay ang pagkaalam na wala siyang alam. Ito ang kabalintunaang alam-sabay-di-alam. Ang nalalaman ng tao ay ang kanyang pagkawalang alam. Ang lahat ng ito ay ayon sa kaayusan ng lahat, ang kosmos. Ang kaayusang ito ay ang pagiging tanga o pagkawalang alam ng tao kung ikukumpara sa karunungunan ng mga diyos. Ang pagtanggi rito ay pagtanggi na rin sa kosmos. Dito ko namulatan na hindi ikinakahiya ang pagwalang alam o pagkatanga sa maraming bagay. Tanga nga ba ako? Oo. Wala nga ba akong alam? Meron akong alam - ang aking pagkawalang alam. Dapat ba itong ikahiya? Hindi, sapagkat ito ay ang totoong ako. Hindi dapat ikahiya ang katotohanan. Dapat itong kilalanin at gawing panimula sa aking pagpapakatao. Sa Apologia, hindi lamang ang mga taga-Atena and nakamulat dito, ako rin. Namulatan ko ang aking pagkatanga. Ito ang angkop sa akin. Ito ang dapat sa akin. Sana at mamulatan ito ng lahat. Home | Ethics | Philosophy |